PUBLIC ADVISORY
Mga minamahal kong San Juaneño, nais ko pong ipabatid sa inyo ang mga mahalagang alituntunin para sa maayos, ligtas, at disiplinadong pagdiriwang ng ating tradisyunal na Wattah! Wattah! San Juan Festival ngayong darating na Hunyo 24, 2025, ang Kapistahan ni San Juan Bautista.
Ngayong taon, muling isasagawa ang basaan, ngunit ito ay may malinaw na saklaw at oras lamang. Papayagan lamang ang mga aktibidad ng basaan mula 7 ng umaga hanggang 2 ng hapon, at tanging sa loob lamang ng itinakdang Basaan Zone. Ito ay sakop ng Pinaglabanan Road mula N. Domingo hanggang P. Guevarra streets, pati na rin ang paligid ng Pinaglabanan Shrine. Labas sa mga lugar na ito, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng basaan.
Ipinapaalala ko rin sa lahat na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig, mga water bombs, bote, yelo, at anumang bagay na maaaring makasakit o makapinsala. Hindi rin pinapayagan ang pagbubukas ng mga sasakyan o pamimilit sa sinuman na ayaw makibasa. Ang paggamit ng high-pressure sprayers ay hindi rin pinahihintulutan, maliban na lamang kung ito ay bahagi ng mga awtorisadong fire trucks ng lungsod.
Kasabay nito, magkakaroon ng liquor ban mula 12:01 ng madaling araw hanggang 2 ng hapon sa buong lungsod. Sa panahong ito, ipinagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga tindahan, grocery, kainan, at iba pa.
Ang sinumang lalabag sa mga patakarang ito ay papatawan ng multang ?5,000 at maaaring makulong ng hanggang sampung (10) araw.
Para sa mga menor de edad na lalabag, sila ay isasangguni sa ating City Social Welfare and Development Office (CSWDO), at ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga ang pananagutin sa kaukulang multa. Maging ang mga negosyo at mamayan na hindi susunod sa liquor ban ay pagmumultahin din ng parehong halaga.
Upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng lahat, mas maraming pulis, kasapi ng Task Force Disiplina, mga tanod, at kawani ng Public Order and Safety Office ang itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng San Juan. Ako mismo ang nakikipag-ugnayan sa ating Philippine National Police para sa karagdagang police personnel mula sa Eastern Police District at NCRPO para sa mas masusing pagbabantay.
Ginagawa natin ito hindi upang pigilan ang kasiyahan, kundi upang siguraduhin na ang ating pagdiriwang ay hindi mauuwi sa kaguluhan o kapahamakan. Hindi na natin nais maulit ang mga insidenteng naganap noong nakaraang taon.
Batay na rin sa Proclamation No. 929 ng Malacañang, ang Hunyo 24, 2025 ay idineklara bilang isang special non-working day sa Lungsod ng San Juan, upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makalahok sa pagdiriwang.
Sa huli, hinihiling ko ang pakikiisa ng bawat isa. Tayo ay magdiwang nang may disiplina, respeto sa kapwa, at pagmamalasakit sa ating komunidad. Sa ganitong paraan, tunay nating maipapakita ang diwa ng Makabagong San Juan.
Maraming salamat po!
For more information: https://www.facebook.com/MayorFrancisZamora/posts/pfbid0vmkRSvMw9qsMxEQMfzBM6GSXT4b4cTeUbUDCP3waGqJxgBEbZ6VcEkf7ddr2K7i5l