|
City of San Juan Metro Manila, Philippines |
|
|
|
|
|
|
|
|
WATTAH! WATTAH! SAN JUAN FIESTA 2009: PINAKAMASAYANG PIYESTA SA BANSA Naranasan ng mga mamamayan ang pinakamasaya at pinakamakulay na Pista ni San Juan Bautista sa buong kasaysayan ng San Juan ng magtipon-tipon ang mga ito sa tapat ng Agora Parking Plaza noong Hunyo 24 para sa isang buong umagang kasiyahan at basaan. Mahigit tatlong libong katao ang nakisaya sa buong umagang basaan at sayawan sa saliw ng nakakaindak na bagong opisyal na “theme song” ng Wattah!Wattah! Fiesta na nilikha ng batikang komposer na si Vehnee Saturno na isang lehitimong San Juaneno. Pormal na sinimulan ang programa ng isang motorcade na pinangunahan ng mga fire trucks lulan ang mga pinuno ng San Juan para sa mas malakas at masaganang opisyal na Fiesta ng basaan na may temang “WATTAH! WATTAH! SAN JUAN FIESTA, WET KA NA, ENJOY KA PA! Kasama din sa parada ang mga kalahok ng Patimpalak sa Streetdancing at Santong Tao mula sa ibat-ibang paaralan at barangay ng lungsod, mga pribadong kompanya at non-government organizations tulad ng Manila Water, Pinaglabanan Jaycees at iba pang patuloy ang pag-suporta sa San Juan. Ang motorcade na may sinasabing pinakamalaking delegado, ay dumaan sa mga pangunahing kalsada ng San Juan na sadyang inabangan ng mga tao upang makipagbasaan at maramdaman ang tunay na diwa ng kapistahan. Umayon din ang maulan na umaga sa pagbabasaan noong umaga na lalong naging makahulugan para sa mga San Juaneno, dahil para sa kanila ang basaan ay simbolo ng masagana at punong-puno ng biyaya mula sa Panginoong Hesus. Mula sa inspirasyon ni San Juan Bautista, ang patron ng lungsod na nagbinyag kay Hesukristo, kinamulatan na ng mga mamamayan ng San Juan ang pagsasaboy ng tubig na animo’y pagbibinyag sa kapwa San Juaneno upang magpasalamat at ipamahagi ang mga grasyang natamo sa buong taon. Lalong napaindak ang mga tao nang sinimulan na ang pasiklaban ng mga kalahok sa streetdancing at Santong Tao, kung saan naging kampeon ang Barangay Sta. Lucia sa streetdancing at Progreso sa Santong Tao. Pinatingkad din ng nangungunang TV Program na Unang Hirit ang okasyon na nagtanghal ng isang special feature coverage na naghatid ng buong kasayahan ng pista sa buong nasyon. Ang Wattah! Wattah! San Juan Fiesta ay isa sa ipinagmamalaki ng Lungsod ng San Juan ay kabilang na sa opisyal na “Calendar of Events” ng Department of Tourism at isa sa pinakatanyag at pinakamasayang festivals sa buong bansa, kahanay ng Sinulog Festival ng Cebu, Pinagbenga Festival ng Baguio City, at iba pa.
|
|
|
|