|
City of San Juan Metro Manila, Philippines |
|
|
|
|
|
|
|
|
ARAW NG HIMAGSIKAN SA PINAGLABANAN Anim na araw pagkatapos ideklara ni Andres Bonifacio at ang Katipunan sa Pugadlawin ang pag-aaklas laban sa kolonyalistang Kastila, naganap ang kaunaunahang armadong pakikidigma ng pwersa ng Katipunan laban sa pwersang Kastila noong ika-30 ng Agosto 1896 sa Pinaglabanan sa Bayan ng San Juan. Ito ang nagsilbing hudyat upang maganap ang mga sunod-sunod na pakikipaglaban ng pwersa ng Katipunan laban sa mga Kastila pangunahin na sa probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at sa Tarlac. Lumipas ang 112 na taon, ating ipinagdiriwang ang makasaysayang araw na ito upang gunitain ang diwa ng kabayanihan at pag-aaalay ng buhay ng mga katipunero sa pangunguna ni Gat Andres Bonifacio. Pambansang ginugunita ang petsa ng Agosto 30, 1896 dahil sa araw na ito ipinamalas ng ating mga bayani ng bayan ang kahalagahan ng pagtatanggol sa inang bayan laban sa anumang porma ng pang-aapi’t pagsasamantala kahit buhay man ang ipalit. Tradisyon Ang pagpapahalaga sa dakilang araw na ito ay ganap nang isang tradisyon sa Lungsod ng San Juan. Palatandaan nito ay ang pagpapatayo mismo ni Mayor JV Ejercito ng Museo ng Katipunan sa loob ng Dambana ng Pinaglabanan. Pinangunahan nila Mayor JV Ejercito, Congressman Ronnie Zamora, Senadora Jamby Madrigal at Ginoong Ambeth Ocampo – Pinuno ng National Historic Commission ang pag-aalay ng bulaklak sa Dambana ng Pinaglabanan. Naghandog din ang Lokal na Pamahalaang Panlungsod ng maikling program’t pagsasadula ng mga tampok na kaganapan ng himagsikan. Mahigpit na nakibahagi sa pagdiriwang ang mga guro’t mag-aaaral ng mga pribado at pampublikong mga paaralan at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Juan, ang San Juan Philippine National Police at Bureau of Fire Protection, League of Barangay. Tao ang Nag-uulit ng Kasaysayan Naging malaman at makabuluhan ang mga mensahe ng mga panauhing pandangal na sina Senadora Jamby Madrigal at Ginoong Ambeth Ocampo. Sila ay nagkaisa sa pananaw na dapat humalaw ng mga dakilang aral sa kasaysayan ng ating lahi para maituwid at maikwaksi ang anumang mga pagkakamali sa nakaraan. Sinang-ayunan din nito ni Congressman Ronnie Zamora na nauulit ang mga pagkakamali sa kasaysayan partikular hinggil sa pagresolba ng mga nagaganap na kaguluhan sa Mindanao. Inilinaw ni Ginoong Ambeth Ocampo na “tao ang nag-uulit sa kasaysayan at hindi ang kasaysayan ang nag-uulit ng mga pangyayari”. Dagdag pa niya, na hanggat ang tao ay di natuto sa mga aral na ibinabahagi ng ating kasaysayan ay walang patutunguhan ang ating lipunan. Banggit pa niya,na tanging ang Lungsod lang ng San Juan ang pinakaseryosong magdiwang ng mga mahahalagang araw sa ating kasaysayan kung ikukumpara sa mga ibang mga petsa ng pagdiriwang sa ibang lugar. At labis niyang ikinatuwa na ang Dambana ng Pinaglabanan ngayon ay malinis na at maaliwalas. “Halos kasi matabunan ng mga bahay na barong-barong, napakarumi’t napakabaho dahil naghalo na ang mga tambak ng basura at dinudumihan pa ng mga tao sa lugar ang Dambana ng Pinaglabanan noon” . “Maswerte kayo at meron kayong isang punong lungsod na katulad ni Mayor JV Ejercito na may malasakit sa kasaysayan”. “Dapat ipagmalaki ng taga San Juan na meron silang Pambansang Dambana na bahagi ng kasaysayan ng Lipunang Pilipino” aniya. Ang araw ng pagdiriwang ay nagtapos sa parada ng mga ROTC at CAT units, PNP, BFP, Philippine Army & the Marines, mga banda, City Councils at mga opisyales ng lokal na pamahalaang panlungsod at ang Float ng Himagsikan sa San Juan Del Monte.
|
|
|
|